Monday, February 2, 2009

February 2, 2009 -- Pag Ako'y Matanda Na!


February 2, 2009 - Isang Pagbabalik Tanaw

Sa araw na ito, dalawang taon na ang nakakaraan naramdaman ko ang pinaka nakakalungkot na sandali sa buhay ko. Umalis si Mama, umalis sa buhay ko na alam ko na di na muling babalik. Nakakalungkot dahil ang bilis ng panahon dalawang taon na pala ang lumipas. Inisip ko ano ako nung mga araw na yon. Isang batang umiiyak dahil iniwan ng nanay, isang bata na nasa isang sulok nagdarasal na sana isa lang panaginip ang nangyari. Pero hindi pala isa pala itong katotohanan na dapat harapin. Sa ngayon masasabi ko na mas naging matapang na bata na ako. Di na basta basta umiiyak sa mga pagsubok. Mas nakikita na sa bawat hamon ng buhay may kapantay na ngiti na tagumpay.

Nung Sabado, dumalaw ako sa Anawim, sa mga di nakakaalam ang Anawim ay isang Tahanan para sa mga matatanda na iniwan ng pamilya at walang nag aaruga. Naantig ang puso ko sa mga nakita ko. Mga matatanda na ang edad nasa 60 pataas. May ngiti sa mga labi nila pero mararamdaman mo sa mga mata nila ang dalangin na sana pasyalan sila ng mga anak o pamilya nila na tunay na makakapagbigay ng pagmamahal at pag aaruga. Habang kausap ko si Bro Tim dahil sa isang mahalagang pakay di maaalis sa mata ko ang maluha dahil sa puso ko andun ang panghihinayang at mga katanungan. Bakit ang mga matatandang ito nasa ampunan gayong ang iba sa kanila ay may mga anak? Bakit ako wala ng magulang at di na muling mayayakap at maaalagaan? Pati ang kabarkada kong si Joyce di mapigilan ang maluha magkakahalong awa at panghihinayang at maaring takot rin na baka sa pagtanda namin ganito rin ang kapuntahan namin.

Sa ganitong sitwasyon lalo akong naiyak isang lola ang kumanta ng Moon River, favorite ng Papa ko yun. Palakpakan ang mga tao. Si Lola sa kabila ng katandaan marunong pa ring kumanta at magpasaya ng mga tao. Humanga ako! Sa isip ko may nagpa-alala na gano man sabigat ang mga problema parang isang kanta may umpisa at katapusan. Sa bawat kanta kasunod ang palakpak, palakpak ng kasiyahan.

Habang may munting programa ang mga nag sponsor ng araw na yun, niyaya ako ni Joyce na maglakad lakad. Ang presko ng paligid ang daming puno. Ang mga tirahan ng mga Lolo at Lola ay isang malaking kubo gawa sa pawid at kawayan. Kahanga hanga dahil presko sa paligid, may veranda ang bawat bahay. Sa di kalayuan may isang munting chapel kung saan maaaring magmadasal ang mga Lolo at Lola. Sa pinto ng bawat bahay may mga wheel chairs siguro para yun sa mga matatanda na di na kayang maglakad o maaari ring gamit for emergency cases.

Pagbalik namin nagpunta kami sa opisina upang ikunsulta ang aking pakay. Ang hirap sabihin pero habang kinukuwento ko ang sitwasyon nanginginig ang boses ko. Alinlangan ang puso ko pero paano. Ayokong dumating ang araw na huli na ang lahat. Panalangin ko sa aming pag alis na sana ay maging kaaya aya sa paningin ni Lord ang kung anuman ang kahihinatnat ng lakad ko na yon. Sa puso ko andun ang hangarin na sana sa mga susunod na araw makabalik ako run di para maawa sa mga Lolo at Lola kundi ang magbigay sa kanila ng saya sa pamamagitan ng kunting salu-salo at pagbibigay ng regalo.

Gusto ko ibahagi sa inyo ang ilan sa mga larawan na kinuha ko sa Anawim. Sa lahat ng magbabasa nito paki samahan ng dasal ang mga Lolo, Lola sa Anawim, pati na rin ang sarili nating mga magulang at matatandang kamag-anak gayundin ang ating mga sarili na sana sa pagtanda natin mayroon ding mag aalaga at kukupkop sa atin maging ito ay ating mga mahal sa buhay o isang organisasyong gaya ng Anawim.



Para sa Mama at Papa ko sana mas naipadama pa namin yung pagmamahal namin sa inyo. Mapalad kami dahil kayo naging mga magulang namin, walang kapantay ang pag aaruga at pagmamahal nyo sa amin. Mama and Papa we love you!


No comments: